Tsokolate


ni: Emmanuel Miguel M. Rentusa


            “Tulungan nyo ko. Nawawala ang anak ko!” Sigaw ni Aling Conching na bumasag sa tahimik na gabi. Nabulyaw ang mga natutulog at ang iba ay sumilip pa sa kani-kanilang mga pinto. Agad namang dumating ang mga tanod.
            “Aling Conching, kami na po ang bahala. Mabuti pa ay magpahinga na kayo.” Magalang na sinabi ng Efraim na isa sa mga tanod.
            “Lintik na bata yan! Kahit kailan talaga! Sinabing huwag nang magpaalis-alis ng ganitong oras. Makakatikim talaga siya sa aken eh.” Inis na sabi ng matandang babae.
            “Mabuti pa’y magpahinga muna tayo, Conchita.Hindi din makakabuti na pati ikaw ay mapano.”Panunuyo ng asawang si Mang Karding.
            Pansamantalang umuwi at nagpahinga na ang magasawa. Inaasahang umuwi ang bata.Ngunit tumilaok na ang manok sa umaga, hindi pa din nahahanap ang bata. Sa isang maliit na tindihan, dalawang nanay ang maagang nagtsitsismisan.
            “Apat na bata na ang nawawala sa lugar naten. Nakakabahala na ang mga nangyayari dito.” Nababahalang sabi ni Aling Dolores sa katsismosang tindera ng isang maliit na sari-sari store.
           “Sinabi mo pa, kaya nga etong si JM ko, di ko na pinapalabas ng bahay. Lalo na’t gumagala daw ngayon ang mandurukot ng bata.” Sagot ng tinderang si Aling Hilda. “Aba’y Efraim, may balita na ba sa nawawalang anak ni Aling Conching?” tanong niya nang mapansin niya ang binatang tanod na papalapit sa kanyang tindahan.
            “Wala pa po, hanggang ngayon pa rin nga’y hinahanap pa namin yung tatlong batang nawawala.”Sagot ni Efraim saka nagpakawala ng malalim na hinga.”Pabili nga po ng kape,pakitimpla na rin po.” Hingi ni Efraim.
Kumuha ng isang pakete ng kape si Aling Hilda. Binuksan at inilagay sa isang malaking tasang puti. Saka nilagyan ng mainit ng tubig mula sa thermos.
            “Pero di nyo ba napapansin? Hindi ba kaduda-duda ang mga kilos ni Nestor?” Pag-uusisa ni Aling Dolores.
            “Oo nga, napapansin ko na malapit siya sa mga bata. Naalala ko bigla, minsan nakita kong binigyan niya ng tsokolate si duday. Yung unang batang nawala?” Dugtong ni Aling Hilda pagkaabot ng kape kay Efraim.
“Diba nasa kagubatan ang tirahan niya? Di kaya dun niya dinadala ang mga batang dinudukot niya? Siguro’y ginagawa niya yon dahil sa nangyari noon.” paghihinala ni Aling Dolores.
“Magsitigil nga kayo.Ang aga-aga pa’y tsismis na agad inaalmusal nyo.” Pagsingit sa usapan ni Kapitan Tasyo. Humihigop ng kape si Efraim nang magulat sila sapagkat hindi nila napansin ang pagdating ng Kapitan.
“Pasensya na po Kap. Sige na mare, hahatid ko pa sa eskwelahan ang anak ko.” Pagpapaalam ni Aling Dolores. Nagmamadaling kinuha ang biniling pakete ng gatas saka lumisan.
“Magandang umaga po Kapitan.”Pagbati ni Efraim. “Kailangan napo talaga nating maresolba ang mga kasong nangyayari dito sa Barangay.”
“Kahit sino naman ay gusto iyon mangyari. Pero may ideya ka na ba sa maaaring gumawa nito?” Tanong ni Kapitan  Tasyo.
“Ayoko po  sana itong sabihin pero maaaring si Mang Nestor po ang salarin. Alam naman po natin na malapit siya sa mga kabataan. Hindi natin alam na baka isa syang lobo na  nakasuot ng balat ng tupa.” Magalang na sagot ni Efraim.
“Efraim, Alam mo naman ang tsismis ay hindi dapat basta-basta pinapaniwalaan. Alam ko na gusto mo lamang gawin ang iyong trabaho.  Pero mabait si Nestor.Malaki na ang ipinagbago niya ngayon hindi katulad ng dati.”Giit ng Kapitan.
“Ano po bang nangyari dati?” Tanong ni Efraim.
Magsasalita pa lamang si Kapitan Tasyo ng dumating si Nestor.
“Magandang umaga po Kap.” Pagbati ni Nestor. “Aling Hilda, Pabilhan naman po ng sampung tsokolate.”
“Aba’y Nestor, Ikaw pala! Talagang mahilig ka sa tsokolate. Ingat ka baka masobrahan ka’t Diabetes naman ang abutin mo.” Pagbibiro ni Kapitan Tasyo.
“Hindi naman po Kapitan.” Nakangiting sagot ni Nestor. Kinuha niya ang mga tsokolate at inabot ang bayad.“Sige po, Kapitan, Ditona po ako.” Pagpapaalam ni Nestor. 
“O sya, Efraim, ako’y marami pang gagawin sa opisina. Maiwan na kita dyan.”Pagpapaalam ng Kapitan.
            Pagkagat ng dilim, tumungo na si Efraim sa kanyang pwestong binabantayan. Hindi maalis sa isip ni Efraim ang kutob niyang iyon. Ayaw siya tigilan ng kanyang iniisip. Isa lang ang naisip niyang gawin upang siya’y matahimik.
            “Hindi ako mapakali, wala namang mawawala kung gagawin ko ito.” Tumayo sa pagkakaupo sa upuan na nasa tapat lamang ng pintuan ng Baranggay hall. Agad niyang tinungo ang kinaroroonan ng bahay ni Nestor. Sa daan ay nakasalubong niya ang apat na binata at niyaya niyang samahan siya nito.
            Pagkarating sa patutunguhan, dahan-dahan silang naglakad. Sumilip si Efraim sa bintana upang tingnan ang nangyayari sa loob. Nagulat siya sa kanyang nakita. Wala ang matanda ngunit naroon ang apat na batang nawawala. Isa sa mga bata ang nakahiga na tila’y maysakit. Inaaruga siya ng ibang bata na may mga pasa,
             “Hulihin nyo si Nestor!Siya ang mandurukot ng bata!” Sigaw ni Efraim. Umalis ang apat na binata upang hanapin ang salarin.
            Nang kanilang matagpuan ang ito, agad na sinugod ng apat na binata ang matandang lalaki. Bago pa man makatakbo si Nestor ay agad siyang tinulak ng isa sa mga binata. Siya ay natumba at doon ay pinagsisipa siya ng mga binata. Ang isa sa mga binata ay kumuha ng dospordos at pinaghahampas ang buong katawan ni Nestor.
              “Tumawag kayo ng mga katulong. Dalhin naten ang demonyong ito para pati ang mga pamilyang nabiktima nito ay makaganti sa kanya.” Pasigaw na utos ng binatang may hawak ng dospordos. Nang makalayo na ang tatlong binata, pinilit na bumangon si Nestor at malakas na itinulak ang binata. Natumba ang binata at agad namang kumaripas ng takbo si Nestor. Tumakbo siya patungo sa magubat na parte ng kanilang lugar.
Sa bahay ni Nestor, agad na nilapitan ni Efraim ang batang babaeng may benda ang braso.
“Kamusta? Anong ginawa sa inyo ni Nestor?” Nag-aalalang tanong ni Efraim.
“Bakit nyo po po pinapahuli si Tatay Nestor? Ano pong ginawa niya sa inyo?”sagot ng batang babae.
“Huwag nyo po siyang saktan.” Umiiyak na sinabi ng batang nakahiga.
Hindi maunawaan ni Efraim ang nangyayari. Nagtataka siya kung bakit ganun ang kanilang mga sinabi.
            Nang makalayo-layo na sa binata, paika-ikang naglakad si Nestor. Matindi ang pinsala natamo ni Nestor mula sa mga binata. Kaya naman nang hindi na niya kayang tiisin ang sakit, bumagsak sa lupa ang katawan ni Nestor. Ang bawat paghinga niya ay maaaring maging huling hangin na ilalabas ng kanyang bibig. Gayunpaman, sinikap ni Nestor na gumalaw. Mabagal at nanginginig ang kanyang kaliwang kamay habang kinukuha ang isang bagay sa bulsa. Inilabas niya mula sa bulsa ang isang balat ng tsokolate. Sinisikap niyang huwag magsara ang kanyang mga mata para lamang masilayang muli sa huling pagkakataon ang puno’t dulo ng kanyang ginagawa. 
            Isang dagok ang nangyari noon kay Nestor. Ang anak na kanyang pinakamamahal ay tuluyan nang binawian ng buhay dahil sa malubhang sakit nito. Dahil sa pangyayaring ito, gumuho ang mundo ni Nestor. Tuluyang nawalan ng ganang mabuhay si Nestor kaya naman naisip niyang wakasan na ang kanyang buhay.
            Malalim na ang gabi nang tumungo siya sa bakanteng lote kung saan mayroong isang malaking puno ng mangga, bitbit ang lubid na gagamitin niya sa pagkitil ng sariling buhay. Nang marating ang lote, walang pagaalinlangang itinali ang lubid sa sanga ng puno. Nakahanda na ang lahat. Ang gagawin na lamang niya ay ilagay sa leeg ang tali at umakyat sa sanga at doon ay tatalon. Aakyat pa lamang siya sa puno nang isang boses ng batang babae ang kanyang narinig na nagmumula sa isa pang sanga ng puno.
            “Manong Nestor, ano pong ginagawa nyo rito?” Nagtatakang tanong ng isang bata habang nakaupo ito sa sanga ng puno. Kahit na madilim, nakilala ni Nestor ang batang babae dahil sa liwanag na nanggagaling sa buwan.
            “Joana! Ako dapat ang nagtatanong niyan sa iyo. Aba’y bata ka! Gabing-gabi na at narito ka pa.” Gulat na sabi ni Nestor. Dahil dito, sandaling naudlot ang kanyang balak.
            “Ayoko po kasi umuwi sa amin.” Kalmadong sagot ni Joana.
            “Aba’y bakit naman?Nagtatakang tanong ng matanda.
            “Lasing na naman po kasi ang tatay. Panigurado na bubugbugin na naman niya ako kapag nakita niya ko.” Tugon ni Joana. “Simula nang mawala ang nanay, gabi-gabi na lang umuuwing lasing si tatay. Sa tuwing nakikita niya ako, sinasaktan ako ni tatay. Kayo po Manong Nestor? Ay, Oo nga po pala. Nakikiramay po ako sa inyo.”
Tumahimik lamang si Nestor. Maya-maya’y may inilabas si Joana sa kanyang bulsa.
“Kumain ka po nito, Manong Nestor.Tuwing kumakain ako nito, nakakalimutan ko ang mga problema. Subukan nyo po, Manong Nestor.” Nakangiting sabi ni Joana habang iniaabot ang tsokolate kay Nestor. Dahan-dahan binuksan ang ibinigay ng bata na tila’y ngayon pa lamang siya makakakain ng tsokolate. Dahan-dahan siyang kumagat, at ninamnam ang tsokolate sa  kanyang bibig. Napangiti si Mang Nestor. Naging mahaba ang gabing iyon sa sobrang daming napagkwentuhan ng dalawa.
            Mula noon, Dumalas na ang pagkikita ni Nestor at ni Joana. Di nagtagal ay nagkalapit ang loob ng dalawa.Tinuring niyang anak ang bata. Gabi-gabi ay pumupunta si Joana sa bahay ni Nestor upang doon magpalipas ng gabi. Muling nabuhayan ng loob at nagkaroon ng ganang mabuhay si Nestor. Ngunit isang gabi, hindi nagpunta si Joana sa kanya.
            Kinaumagahan, patungo si Nestor sa tahanan ni Joana nang mapansin niya ang maraming tao ang nagkukumpulan sa bakanteng lote. Sinikap ni Nestor na makita ang dahilan ng pagkukumpulan ng tao. Nang kanyang masilayan ay halos mabuwal siya sa pagkabigla. Ang batang nagbigay ng pag-asa sa kanya, ngayon ay isa nang bangkay ng karumal-dumal na pagpatay. Ang ulo nito ay biyak, senyales ng isang matalim na bagay ang ipinalo sa kanyang ulo. Ang dating masiglang mukha ng bata, ngayon ay naghihilamos sa sariling dugo. Ang bibig na dating palaging nakangiti, ngayon ay tila nagmumog ng dugo. Ang katawan nito ay puno ng pasa na kulay lila dahil sobrang pangbubugbog na tinanggap nito. Bali ang kaliwang binti at halos lumabas ang buto nito.
           “Joanna!” Sigaw habang patakbong lumalapit sa bangkay ng bata. Bago pa man mahawakan ni Nestor ang bangkay, hinarangan siya ng lalaking nakasuot ng luntiang challeco.
“Ser, bawal po dito.” Awat sa kanya ng lalaki.
            Wala siyang magawa kundi ang umiyak at paulit-ulit na binabanggit ang pangalan ng kawawang bata. Si Joana na itinuring na niyang anak, ngayon ay patay na dahil sa kagagawan ng kanyang totoong magulang.
            “Anak, patawad at hindi ko na magagawa pang protektahan ang mga batang katulad mo.” Naghihingalong sinabi ni Nestor. Gayunpaman, ang mga ala-alang iyon ay nag-iwan ng ngiti sa labi ni Nestor bago pa man iwan ng kaluluwa niya ang naghihirap niyang katawan.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bakit nga ba GAS?

A Cup of Coffee

Ang Dyamante at ang Aso